Linggo, Mayo 27, 2012

Blood Donors, muling dumagsa

MAY 27, 2012- Sa ika-12 pagkakataon ay muling dinagsa ng mga bayaning blood donors ang ginanap na Mobile Blood Donation ng Angono Life Savers.



Ika-pito ng umaga- isang oras bago ang itinakdang oras ng ALSI para sa kaniyang Bloodletting program sa Gingergrace Academe, ay halos puno na ng tao ang hanay ng mga nais mag-alay ng dugo. Umabot sa  mahigit 120 ang nagpatala upang boluntaryong mag-handog ng kanilang dugo. Ang blood collection ay pinangunahan ng Philippine Blood Center- DOH. 



Eksaktong 110 naman ang matagumpay na nakuhanan ng dugo. Kapansin pansin na higit na mababa ang porsyento ng mga pansamantalang hindi pinayagang makunan. 



Ang programang Alay Dugo ng Angono Life Savers ay sinuportahan ng Gingergrace Academe, Leterato, Kuya Bryan Cruz, Merino Business Consultancy, Nutribiz,  Heldicks Poultry Supply at ni Bb. Vicky Esteban. Naghandog din mula ng kanilang awitin at sayaw ang mga kabataan mula sa grupong 1 Dream, 1 Music.



Sa  kabuuan ay mababakas ang taglay na bolunterismo at kabayanihan ng mga Blood Donors at pagkakaisa naman ng mga ALSI partners.



Ang susunod na Alay Dugo program ng ALSI ay sa August 26, 2012- Linggo at gaganapin sa Old Site ng Angono Private High School.

Martes, Mayo 22, 2012

ALSI Planning, dinaos

MAY 21, 2012- "Patuloy na serbisyo sa tao" iyan ang naging buod ng isinagawang Planning Session ng Angono Life Savers (ALSI), Inc nitong nakaraang May 19-20, 2012 sa Pansol, Laguna.

Dinaluhan ng mga opisyales at ilang aktibong miyembro ng ALSI ang isinagawang pagpupulong na isinabay rin sa kanilang taunang Summer Outing. Sa nasabing sesyon ay maiging pinag-aralan ang mga inihaing programa ng ibat-ibang komite para sa mga nalalabing buwan ng 2012 hanggang sa kalagitnaan ng 2013. Inilapat naman at pinagkasunduan ng grupo ang pag-apruba sa mga inihaing proyekto na tiyak umanong makatutulong sa bawat mamamayan. Gayundin naman sa mga programang magbibigay ng oportunidad sa bawat miyembro, magpapatatag ng pagkakaisa at magsisigurado ng patuloy na paglago at paglawak ng organisasyon.


Ilan sa mga naipasang proyekto na tiyak na aabangan bukod pa sa regular na Mobile Blood Donations ay Sports Competitions, First Aid Trainings, Health Talks, Environmental Projects, Medical Mission at marami pang iba. Bukas naman ang Angono Life Savers sa pakikipag-ugnay sa ibat-ibang samahan, establisimyento, mga institusyon o maging mga indibidwal upang mas higit na maging epektibo ang mga panukalang proyekto. Samantala, nakatakda na ring magsagawa ng halalan ngayong Disyembre 2012 para sa mga bagong mamumuno sa samahan.


Sa ikalawang araw ay masayang nilibot naman ng mga delegado ang ilang magagandang pasyalan sa lalawigan ng Laguna bago dumirestso pauwi ng bayan ng Angono.


                                                                                                                                                                                                -bdl


(mga larawan kuha ni Bernard Laca Jr)

Linggo, Mayo 6, 2012

Angono Life Savers, nagdaos ng FUN RUN

MAY 06, 2012- Matagumpay na naidaos ng Angono Life Savers (ALSI), Inc. ang proyekto nitong "Takbo Ko, Buhay Mo- Fun Run" ngayong araw sa Bayan ng Angono, Rizal.


Umabot sa halos 150 runners ang nakilahok sa Fun Run ng ALSI na naglalayon sana na makakalap ng pondo upang maipambili ng Blood Bank Refrigerator na ihahandog naman sa Angono General Hospital. 


Ika-4 pa lamang ng umaga ay nagsimula nang magpatala ang ilan pang mananakbo upang makilahok sa nasabing proyekto. Ang ilan naman na galing pa sa ibang lugar ay duon na nagpalipas ng gabi upang matiyak na hindi sila mahuhuli sa itiakdang oras ng pagtakbo. Sa Fee na P300- P400 ay makatatanggap na ang mga kasali ng Singlet at Race Bib.


Ganap na 5:30 ng umaga ng magsimulang tumulak ang mga kalahok sa 5K run at makalipas pa ang sampung minuto ay ang mga kasali naman sa 3K run. Ang takbo ay nagsimula sa tapat ng Plaza ng Angono- Quezon Avenue sa direksyon ng Iglesia ni Cristo, kumanan at tumawid  patungong Don Mariano Santos Ave. (hanggang Twin Hills para sa 3K at makalampas naman ng Medalva para sa 5K), bumalik pababa ng Manila East Road papuntang Balaw Balaw, kumanan ng Doña Aurora St at muling kakanan sa Quezon Avenue (Balite) pabalik sa Plaza- Finish Line. Naglagay ng makukulay na Higante ng Angono sa bawat kanto at likuan na daraanan ng karera.


Samantala, may ilang kawani naman ng lokal na pamahalaan ang nakisabay bilang bahagi ng kanilang "Health and Wellness Program" sa pamahalaang bayan.


Sa huli ay pinarangalan ng cash prize, medalya at gift pack ang mga nagsiwagi sa karera. Nakatanggap din naman ng Sertipiko ng Pakikilahok ang lahat ng mga sumali.


Dumalo at nagbigay mensahe sa ginawang palatuntunan si Atty. Bong Lopez bilang kinatawan nina Congressman Joel Duavit at Governor Jun Ynares. Ipinahayag nito ang pagbati sa lahat ng nagsilahok at sa pamunuan ng Life Savers sa magandang layunin nito. Muli namang pinuri ni Atty. Lopez ang grupo sa pagiging pangunahing samahan sa Unang Distrito ng Rizal sa pangangalap ng dugo. Nagbigay mensahe rin ang kinatawan ng Angono Sports Commision na pinamumunuan ni Kapitan Joey Calderon. 


Matapos ang pagtakbo ay nagsalo-salo ang mga kalahok sa inihandang miryenda ng Life Savers.Nagbigay din ng kanilang libreng samples ang ilang sponsors.


Hindi man naabot ng grupo ang target na bilang upang maisakatuparan ang adhikain nitong makabilili ng "blood ref" ay labis pa rin ang pasasalamat nito sa lahat ng sumuporta sa pangunguna ni Mayor Gerry V. Calderon. 


Masaya ang Angono Life Savers, bagaman limitado ang kaniyang mapagkukunan ay hindi naman nito nalimitahan ang saya at tagumpay ng kaniyang adhikain na patuloy na makapaglingkod sa bawat mamamayan.          
                                                                                                                      
                   
(mga larawan kuha ni Bernard Laca Jr.)
                                                                                                                                         -bdl