Linggo, Marso 25, 2012

CFCA, kumulekta ng 106

March 25, 2012- Kumulekta ang Christian Foundation for Children and Aging o CFCA ng 106 na bag ng dugo sa kanilang isinagawang Mobile Blood Donation mula sa dalawang magkahiwalay na lugar ngayong araw.

Ayon kay G. Nick Sisican, Vice President for Internal Affairs ng CFCA- ERPAT (Empowerment Reaffirmation Paternal Abilities Training) Federation of Rizal, Inc.at isa ring aktibong opisyales ng Angono Life Savers, ang proyekto ay isinagawa sa Covered Court ng Barangay Poblacion Ibaba sa bayan ng Angono kung saan ay 44 bag ng dugo ang nakuha. At ang isa pa ay sa Darangan Elementary School sa bayan naman ng Binangonan na nakakalap ng 66 bag. Sa proyekto ay nakasama ng grupo ang Philippine Blood Center mula sa Department of Health.
Ang Angono Life Savers (ALSI), Inc at CFCA ay magkatuwang na nagtataguyod ng proyektong Blood letting hindi lang sa bayan ng Angono, kundi maging sa mga karatig bayan pa nito.

Lunes, Marso 12, 2012

Pasasalamat ng isang asawa....

March 12, 2012



Isang umaga, ang inyo pong lingkod ay nakatanggap ng tawag sa telepono mula sa isang kasamahan sa Life Savers, wika nya "may nanghihingi ng dugo dito". "Sige po, papunta na ko diyan" tugon ko. At pagkaharap ko nga sa nakikiusap na si Ate Rose, wika niya "pwede po ba makahingi ng dugo?". Hindi naman po natin pwedeng ipagkait ang dugong kusang loob din na ipinagkatiwala sa atin.

Napag-alaman po natin na ang nagangailangan ng dugo ay ang kaniyang pinsan. agad po naming hiningi ang Blood Request mula sa doktor. Ito ay pangunahing hinhingi ng Red Cross o Philippine Blood Center sa bawat kumukuha ng dugo. "Kuya, nasa ospital pa po eh, sa Amang, sige po ipapadala ko dito", banggit nya. Nagkataong duon din naman sa gawing iyon ako papunta, kung kaya't inalok ko na lamang na ako na ang pupunta sa nasabing ospital. 

Habang nasa byahe ay hiningi ko na ang detalye ng pasyente. Sa pamamagitan ng text ay nakuha ko ang mga kinakailangang impormasyon mula kay Nanay Emily, asawa ng pasyenteng si Tatay Nemis, 63 anyos. Ang nakuhang datos ay itinawag naman natin agad sa Philippine Blood Center at agad ding natugunan.Pasalamat na lamang at may "available" na dugo.

Pagdating sa Amang Rodriguez Hospital sa Lungsod ng Marikina, ay nakasalubong ko si Nanay Emily, lumuluha, bakas sa kanyang mukha ang labis na pangangailangan. Ibinigay ko agad ang direksyon kung paano nya makukuha ang dugo. Libre at wala siyang dapat bayaran. Nang tagpong iyon ay nagkahiwalay na kami, siya ay nagmamadali papuntang PBC sa Maynila, at ako naman ay sa aking trabaho.

Kinagabihan, sa aking pag-uwi ay muli akong nakatanggap ng isang text message:
"Kuya, nakuha ko na yung dugo. mrming mrming slmat sa pgtulong nyo (Angono Lifesavers) sa amin pgpalain kyo ng panginoon at arinawang marami pang biyaya ang dumating s nyo sa pagkakaroon nyo ng ginintuang puso"
Kwento pa ni Naay Emily:
"arinawa nga po ay gumaling na yong asawa ko po kc nahihirapan na din cya dalawang beses na cyang naistrok pangalawang stroke nabulag na cya ipinapaubaya kona po sa panginoon ang lahat"
Dagdag pa niya:
"hayaan nyo sasabihin ko sa mga anak ko na kung may kaibigan cla na pwedeng magdonate ng dugo hikayatin nla pra makatulong sa iba na katulad namin"
Isang buhay na naman po ang nailigtas ng ating mga volunteer blood donors. Muli na naman po kayong nakapag-pasaya ng pamilyang umaasa. Kayo po ang tunay na bayani.
 Nawa ay maging inspirasyon ito upang hindi tayo tumigil sa pagtulong sa ating kapwa.
 

Linggo, Marso 11, 2012

Bloodletting sa Isla, Blood Sugar Test nung Undas, Home-Based Livelihood, atbp.,

Habangnagpapahinga ang Dugong Bayani Online ay abalang-abala pa rin naman ang Life Savers sa mga proyekto nito. Ilan lamang sa mga ito ang mga sumusunod:

Blood Letting with CFCA- Talim Island, Binangonan (October 2011)

Patuloy tuloy pa rin ang partbership ng Angono Life Savers at grupong CFCA, sa katunayan isang Mobile Blood Donation Program ang isinagawa nito nuong Oktubra sa Isla ng Talim sa bayan ng Binangonan. Kasama ang Philippine Blood Center, ay nakakalap ang grupo ng halos 20 bag ng dugo mula sa mga taga-rito.



Free Blood Sugar Test sa Araw ng Undas ( November 02, 2011)


Araw man ng mga patay ay patuloy pa rin sa pagbibigay serbisyo ang mga taga-ALSI. Nagsagawa ang grupo ng libreng Blood Sugar Test sa ilang nagtungo sa pantiyon nuong araw na iyo.






ALSI, nakisaya sa Kapistahan ng Patron San Clemente (November 22 2011)

Nakisaya sa pagdiriwang ng Kapistahan ng bayan ang Angono Life Savers nitong nakaraang Nobyembre. Kilala ang Bayan ng Angono sa makulay nitong Higantes Festival at Pagoda ni San Clemente. Sa nasabing pagdiriwang ay nagkaroon din ng pagkakataon ang Angono Life Savers na maipakilala sa bawat mamamayan ang mga adbokasiya ng samahan.






10th MBD sa URSA

Nagsagawa ng ikasampung Mobile Blood Donation ang Angono Life Savers nuong ika-27 ng Nobyembre sa University of Rizal System-Angono. umabot sa halos 120 ang matagumpay na nakapag-alay ng kanilang dugo.



Taunang General Membership Meeting, ginanap. (December 2011)

Bilang tugon sa alituntunin sa By-Laws ng Life Savers ay ginanap ang taunang General membership Meeting ng Angono Life Savers. Duon ay muling ipinaliwanag sa mga nagsidalong miyembro ang kahalagahan ng kanilang aktibong pakikilahok sa samahan. Nag-ulat din naman ang Pangulo ng mga naging proyekto ng grupo sa loob ng isang taon. At bago matapos ay nagbigay parangal naman sa mga natatanging miyembro at Blood Donors. Kinilala rin ang mahalagang kontribusyon ng mga ka-Bayaning Sponsors.



Christmas Party, hindi pinalampas ng ALSI

December 16 2011, masayang pinangdiwang ng Life Savers ang kanilang taunang Christmas Celebration. Naging masaya ang lahat ng nagsidalo lalo't higit ang mga nagsiwagi sa mga palaro at raffle draws. dumating din sa pagdiriwang si Kapitan Joey Calderon at Mayor Gerry Calderon. Dumalo rin ang kinatawan ni Congressman Joel Duavit na si Atty. Bong Lopez na may dala pang pa-raffle na T-shirts.



Medical Assistance sa APHS Fun Run

Naging Medical Assistance Group ang Angono Life Savers sa isinagawang Fun Run ng Angono Private High School nitong nakaraang Pebrero. Isinakatuwang ng ALSI ang ilang estudyante mula sa Unciano College-Antipolo at ang Taytay Rescue Team. Ang ilan sa mga opisyales ay alumni ng APHS, at nitong nakaraang Agosto 2011 ay sa nasabing paaralan din ginawa ang ika-9 na blood donation ng ALSI. Sa darating naman na Abril ay ang Angono Life Savers naman ang magsasagawa ng Fun Run.








Home Base Livelihood Training, Sinimulan.

Sa pangunguna ni G. Benjie Ferrer bilang Trainer, ay isinagawa sa speech laboratory ng Blanco Family Academy ang kauna-unahang Home base Livelihood Training ng Life Savers. Itinuturo sa mga naging estudyante nito ang ilang mahahalagang bagay na maaring magamit ng mga ito maging sa pagpasok sa tanyag ngayong call centers.

ALSI, naninindigan! Ang Dugo ay Buhay


Alam nyo ba?
  • na dalawang ahensya lamang ang pinahihintulutan ng ating pamahalaan na magsagawa ng Mobile Blood Donation (MBD) sa bansa. Ang mga ito ay ang Philippine Blood Center (PBC) na nasa ilalim ng Department of Health (DOH) at ang Philippine Red Cross (PRC) na isa namang International Organization. Ito ay naayon sa RA 7719 o National Blood Services Act of 1994. Nasa ilalim ng nasabing batas ang National Voluntary Blood Services Program o NVBSP.
  • na ang PRC ay tumatanggap ng kaunting sabsidiya mula sa pamahalaan upang maipang tustos nito sa kaniyang operasyon. Ayon sa RA 10072 o “Philippine Red Cross Act of 2009” na nilagdaan ng Pangulo nuong Abril 2010, ang PRC ay nararapat na bigyang alokasyon ng PCSO ng isa lottery bawat taon para sa disaster relief operation bukod pa sa isa pang para sa Blood Program.
  • Ayon sa PRC, ito ay tumatanggap ng paunang halaga mula sa ilang lokal na pamahalaan bilang blood subsidy nito sa kanyang mga nasasakupang mangangailangan.
  • na ang NVBSP ay naglalayong mapalawak at higit na maparami pa ang koleksyon ng sapat at ligtas na dugo na maaring magamit sa oras ng pangangailangan. Hinihikayat din nito ang bolunterismo at kusang loob na pag-aalay ng dugo.
  • na taong 2010 ay naglabas ang DOH ng kautusan (DOH A.O. No. 2010-0001) at isa sa mga isinasaad dito ay ang takdang halaga na maaring singilin ng mga ahensya tulad ng PRC para sa mga gastusin nito sa pagpoproseso ng dugo.

Nuong nakaraang taon (2011), ay naglabas ng kautusan ang Philippine Red Cross (Administrative Order No. 154 s. 2011) na ang bawat dugo na kukunin ng mga pasyente sa Philippine Red Cross ay mayroon nang kaukulang halaga simula Oktubre 2011.

Nangangahulugan ito na:
·         Ang sinumang pasyente na mangangailangan ng dugo at lalapit sa PRC ay kinakailangan nang magbayad ng halagang P750 hanggang P1,500 kada bag ng dugo depende sa pangangailangan, maliban kung may maipiprisintang Certificate of Indigency mula sa local na pamahalaan o maisailalim sa Good Samaritan Program.
·         Kahit na ikaw ay Voluntary Blood Donor, at nagkataong ikaw ay nangailangan ng dugo, ikaw pa rin ay kinakailangang magbayad ng nasabing halaga.
·         Dahil ang Blood Donor Card ay magsisilbing record na lamang ng iyong kabayanihan, ito’y wala nang balik na serbisyo sa’yo sa oras ng iyong kagipitan.

Salamat sa mga volunteers ng Philippine Red Cross sa inyong tulong sa ating mga kababayan

Eto naman po ang aming
PANAWAGAN SA KINAUUKULAN

·         PANAHON NA UPANG PALAKASIN ANG SARILING AHENSYA NG PAMAHALAAN. PBC ang pangunahing ahensya ng ating pamahalaan para matugunan ang pangangailangan sa dugo ng ating mga kababayan. Ito ay isa lamang sa mga serbisyong pang-kalusugan at kaligtasan na dapat mailaan sa bawat mamamayan.
·         TAASAN ANG BUDGET sa nasabing programa. Dagdagan ang mga staff at facilities ng PBC upang mas mabilis na matugunan nito ang layunin ng NVBSP.
·         REBYUHIN ANG R.A. 7719 at mga kaugnay na batas at kautusan upang maging mas angkop at akma ang mga probisyon nito.
·         ATASAN AND MGA LOKAL NA PAMAHALAAN na tangkilikin at kilalanin ang PBC upang direkta sa pamahalaan ang proyekto ng pamahalaan para sa mamamayan.
·         BUOIN AT PATATAGIN ANG MGA LOCAL BLOOD COUNCILS sa bawat lokalidad ng ating bansa.
·         SUPORTAHAN ANG MGA PANSIBIKONG SAMAHAN, INSTITUSYON AT KUMPANYA na nagtatangkilik at nagsasagawa ng mga organisadong Mobile Blood Donation sa bawat lokalidad.
·         PATULOY NA KILALANIN ANG KABAYANIHAN NG MGA BLOOD DONORS. Sila ang mga boluntaryong nag-aalay ng bahagi ng kanilang buhay upang makatulong sa mga posibleng mangangailangan.



HINDI NINANAIS NG ATING MGA BLOOD DONORS NA MAGBIGAY NG KANILANG DUGO PARA SA KANILANG
PANSARILING KAPAKINABANGAN LAMANG.SUKLIAN NATIN SILA NG SERBISYONG PANG-KALUSUGAN AT PANG-KALIGTASAN!

BLOOD DONORS, MAY DUGONG BAYANI! 


ALSI, Itimampok sa Ako ang Simula

March 11, 2012

Kasabay ng pagdiriwang ng ikatlong taon ng Angono Life Savers ay isinagawa ang ika-11 Mobile Blood Donation ng grupo. Ang proyekto ay ginanap sa Blanco Family Academy noong ika-26 ng Pebrero, 2012 araw ng Linggo. Muli na namang nakapagtala ang grupo ng pinakamataas na rekord sa nakuhang dugo sa iisang araw lamang. Nakakalap ang ALSI katulong ang Philippine Red Cross ng 150 bags ng dugo. Nadagdagan pa ito ng 6 ng sumunod na linggo sa ginawang special MBD para sa taping na gagawin ni Mr Anthony Taberna para sa programang Ako ang Simula ng ABS-CBN.



Naging mala-pista ang mga eksena dahil sa magiliw na pagtugtog ng St. Clement Symphonic Band na sinaliwan pa ng pagsayaw ng mga Higantes ng Bayan. Malaki ang pasasalamat ng Angono Life Savers at ABS-CBN sa pakikipagtulungan ni Mayor Gerry V. Caldreon at ng Municipal Tourism Office.



Sa pagtatapos ng programa ay nag-iwan ng handog ang ABS-CBN upang makatulong sa mga proyekto ng grupo, isang Chiller at tatlong wheelchair.


Samantala, ang proyektong Bloodletting ay muling naging labis na matagumpay sa tulong ng Leterato, kuya Bryan Cruz, Holy Name Society, Blanco Family Academy at iba pang mga ka-Bayaning Partners at Sponsors


Malaking kagalakan para sa grupo ang namgyaring pagtatampok bilang pagkilala sa naging kontribusyon ng ALSi sa pagbabago. Ito ay ipinalabas sa saktong araw ng anibersaryo ng Angono Life Savers, March 07, 2012 araw ng miyerkules.


Para sa mga dagdag na larawan: http://www.facebook.com/media/set/?set=a.10150819187307586.516854.794377585&type=1

http://www.facebook.com/media/set/?set=a.10150838449567586.519846.794377585&type=3

Dugong Bayani Online, muling nagbabalik

March 11, 2012
 
Mabuhay mga ka-Bayani!

Ang Dugong Bayani Online ay muli pong nagbabalik upang patuloy na makapaghatid sa inyo ng mga updates sa mga kaganapan at proyekto ng ating Angono Life Savers (ALSI) Inc. Pansamantala pong nagpahinga ang patnugot ng Dugong Bayani upang  mabigyang daan ang mga pagbabago sa sistema ng ALSI sa paghahatid sa inyo ng mga balita.

Masaya din pong ipinaaalam ng Dugong Bayani Online na "go na go" na din po ang mas pinagandang website ng ALSI ang www.angonolifesaversinc-alsi.org

Nitong nakaraang Linggo po ay payak na ipinagdiwang ng Angono Life Savers ang kaniyang ika-3 Anibersaryo. Tatlong taon ng taos-pusong paglilingkod sa ating mga kababayan.

Naging sentro ng pagdiriwang ang pagsasagawa ng ika-11 Mobile Blood Donation Program sa Blanco Family Academy. Lalong tumingkad ang kasiyahan dahil sa parehong pagkakataon ay nai-featureI naman sa isang programa ng ABS-CBN ang ating pinagpipitaganang samahan. Sa mga susunod pong mga artikulo ay ating iisa-isahin ang mga nasabing kaganapan.


Gayundin, ay ating pong papasadahan ang ilang naging aktibidades ng grupo habang nagpapahinga ang blogspot nating ito.

Salamat po sa patuloy ninyong pagtangkilik at pagsuporta sa Angono Life Savers at sa Dugong Bayani Online.