Alam nyo ba?
- na dalawang ahensya lamang ang pinahihintulutan ng ating pamahalaan na magsagawa ng Mobile Blood Donation (MBD) sa bansa. Ang mga ito ay ang Philippine Blood Center (PBC) na nasa ilalim ng Department of Health (DOH) at ang Philippine Red Cross (PRC) na isa namang International Organization. Ito ay naayon sa RA 7719 o National Blood Services Act of 1994. Nasa ilalim ng nasabing batas ang National Voluntary Blood Services Program o NVBSP.
- na ang PRC ay tumatanggap ng kaunting sabsidiya mula sa pamahalaan upang maipang tustos nito sa kaniyang operasyon. Ayon sa RA 10072 o “Philippine Red Cross Act of 2009” na nilagdaan ng Pangulo nuong Abril 2010, ang PRC ay nararapat na bigyang alokasyon ng PCSO ng isa lottery bawat taon para sa disaster relief operation bukod pa sa isa pang para sa Blood Program.
- Ayon sa PRC, ito ay tumatanggap ng paunang halaga mula sa ilang lokal na pamahalaan bilang blood subsidy nito sa kanyang mga nasasakupang mangangailangan.
- na ang NVBSP ay naglalayong mapalawak at higit na maparami pa ang koleksyon ng sapat at ligtas na dugo na maaring magamit sa oras ng pangangailangan. Hinihikayat din nito ang bolunterismo at kusang loob na pag-aalay ng dugo.
- na taong 2010 ay naglabas ang DOH ng kautusan (DOH A.O. No. 2010-0001) at isa sa mga isinasaad dito ay ang takdang halaga na maaring singilin ng mga ahensya tulad ng PRC para sa mga gastusin nito sa pagpoproseso ng dugo.
Nuong nakaraang taon (2011), ay naglabas ng kautusan ang Philippine Red Cross (Administrative Order No. 154 s. 2011) na ang bawat dugo na kukunin ng mga pasyente sa Philippine Red Cross ay mayroon nang kaukulang halaga simula Oktubre 2011.
Nangangahulugan ito na:
· Ang sinumang pasyente na mangangailangan ng dugo at lalapit sa PRC ay kinakailangan nang magbayad ng halagang P750 hanggang P1,500 kada bag ng dugo depende sa pangangailangan, maliban kung may maipiprisintang Certificate of Indigency mula sa local na pamahalaan o maisailalim sa Good Samaritan Program.
· Kahit na ikaw ay Voluntary Blood Donor, at nagkataong ikaw ay nangailangan ng dugo, ikaw pa rin ay kinakailangang magbayad ng nasabing halaga.
· Dahil ang Blood Donor Card ay magsisilbing record na lamang ng iyong kabayanihan, ito’y wala nang balik na serbisyo sa’yo sa oras ng iyong kagipitan.
Salamat sa mga volunteers ng Philippine Red Cross sa inyong tulong sa ating mga kababayan
Eto naman po ang aming
PANAWAGAN SA KINAUUKULAN
· PANAHON NA UPANG PALAKASIN ANG SARILING AHENSYA NG PAMAHALAAN. PBC ang pangunahing ahensya ng ating pamahalaan para matugunan ang pangangailangan sa dugo ng ating mga kababayan. Ito ay isa lamang sa mga serbisyong pang-kalusugan at kaligtasan na dapat mailaan sa bawat mamamayan.
· TAASAN ANG BUDGET sa nasabing programa. Dagdagan ang mga staff at facilities ng PBC upang mas mabilis na matugunan nito ang layunin ng NVBSP.
· REBYUHIN ANG R.A. 7719 at mga kaugnay na batas at kautusan upang maging mas angkop at akma ang mga probisyon nito.
· ATASAN AND MGA LOKAL NA PAMAHALAAN na tangkilikin at kilalanin ang PBC upang direkta sa pamahalaan ang proyekto ng pamahalaan para sa mamamayan.
· BUOIN AT PATATAGIN ANG MGA LOCAL BLOOD COUNCILS sa bawat lokalidad ng ating bansa.
· SUPORTAHAN ANG MGA PANSIBIKONG SAMAHAN, INSTITUSYON AT KUMPANYA na nagtatangkilik at nagsasagawa ng mga organisadong Mobile Blood Donation sa bawat lokalidad.
· PATULOY NA KILALANIN ANG KABAYANIHAN NG MGA BLOOD DONORS. Sila ang mga boluntaryong nag-aalay ng bahagi ng kanilang buhay upang makatulong sa mga posibleng mangangailangan.
HINDI NINANAIS NG ATING MGA BLOOD DONORS NA MAGBIGAY NG KANILANG DUGO PARA SA KANILANG
PANSARILING KAPAKINABANGAN LAMANG.SUKLIAN NATIN SILA NG SERBISYONG PANG-KALUSUGAN AT PANG-KALIGTASAN!
BLOOD DONORS, MAY DUGONG BAYANI!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento