Lunes, Marso 12, 2012

Pasasalamat ng isang asawa....

March 12, 2012



Isang umaga, ang inyo pong lingkod ay nakatanggap ng tawag sa telepono mula sa isang kasamahan sa Life Savers, wika nya "may nanghihingi ng dugo dito". "Sige po, papunta na ko diyan" tugon ko. At pagkaharap ko nga sa nakikiusap na si Ate Rose, wika niya "pwede po ba makahingi ng dugo?". Hindi naman po natin pwedeng ipagkait ang dugong kusang loob din na ipinagkatiwala sa atin.

Napag-alaman po natin na ang nagangailangan ng dugo ay ang kaniyang pinsan. agad po naming hiningi ang Blood Request mula sa doktor. Ito ay pangunahing hinhingi ng Red Cross o Philippine Blood Center sa bawat kumukuha ng dugo. "Kuya, nasa ospital pa po eh, sa Amang, sige po ipapadala ko dito", banggit nya. Nagkataong duon din naman sa gawing iyon ako papunta, kung kaya't inalok ko na lamang na ako na ang pupunta sa nasabing ospital. 

Habang nasa byahe ay hiningi ko na ang detalye ng pasyente. Sa pamamagitan ng text ay nakuha ko ang mga kinakailangang impormasyon mula kay Nanay Emily, asawa ng pasyenteng si Tatay Nemis, 63 anyos. Ang nakuhang datos ay itinawag naman natin agad sa Philippine Blood Center at agad ding natugunan.Pasalamat na lamang at may "available" na dugo.

Pagdating sa Amang Rodriguez Hospital sa Lungsod ng Marikina, ay nakasalubong ko si Nanay Emily, lumuluha, bakas sa kanyang mukha ang labis na pangangailangan. Ibinigay ko agad ang direksyon kung paano nya makukuha ang dugo. Libre at wala siyang dapat bayaran. Nang tagpong iyon ay nagkahiwalay na kami, siya ay nagmamadali papuntang PBC sa Maynila, at ako naman ay sa aking trabaho.

Kinagabihan, sa aking pag-uwi ay muli akong nakatanggap ng isang text message:
"Kuya, nakuha ko na yung dugo. mrming mrming slmat sa pgtulong nyo (Angono Lifesavers) sa amin pgpalain kyo ng panginoon at arinawang marami pang biyaya ang dumating s nyo sa pagkakaroon nyo ng ginintuang puso"
Kwento pa ni Naay Emily:
"arinawa nga po ay gumaling na yong asawa ko po kc nahihirapan na din cya dalawang beses na cyang naistrok pangalawang stroke nabulag na cya ipinapaubaya kona po sa panginoon ang lahat"
Dagdag pa niya:
"hayaan nyo sasabihin ko sa mga anak ko na kung may kaibigan cla na pwedeng magdonate ng dugo hikayatin nla pra makatulong sa iba na katulad namin"
Isang buhay na naman po ang nailigtas ng ating mga volunteer blood donors. Muli na naman po kayong nakapag-pasaya ng pamilyang umaasa. Kayo po ang tunay na bayani.
 Nawa ay maging inspirasyon ito upang hindi tayo tumigil sa pagtulong sa ating kapwa.
 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento