Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Government Concerns. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Government Concerns. Ipakita ang lahat ng mga post

Miyerkules, Hulyo 20, 2011

ALSI at iba pang NGO, pasok sa MDRRMC ng Angono

by: Hegenio "Nick" Sisican, BOD
      Chaiman, DRRM Committee

Sa pulong na ipinatawag ng Angono Municipal Disaster Risk Reduction Management Council (MDRRMC) na pinangungunahan ni Kap. Joey Caderon nuong July 18, 2011 sa Session Hall ng Barangay San Isidro, ay dumalo ang ibat-ibang samahan tulad ng Angono Life Savers, ERPAT, Green Movement of Angono, LAMANGKA, RANGERS at DOMSA kabilang ang ilang sangay ng pamahalaan na kinabibilangan ng Municipal Health Office, Bureau of Fire Protection at DILG.

Ang pangunahing layunin ng Council ay palakasin at pagkaisahin ang lahat ng samahan na kaanib nito at upang makatulong sa mga mamamayan  ng bayan ng Angono lalo na sa panahon ng kalamidad. Nais din ng MDRRMC na alamin ang kakayahan ng bawat organisasyong kasama dito para sa usapin ng Drsaster Risk Reduction Management (DRRM).
Inalam din ni Kap. Calderon kung ano ang mga pagsasanay meron na ang bawat organisasyon tulad ng sa First- Aid, WASAR, Flood/Swiftwater, Mountaineering, Search and Rescue at iba pa.
Ayon sa kanya, magkakaroon ng tasking ang bawat organisasyon at indibidwal para gampanan ang kani-kaniyang mga tungkulin. Ilan sa mga iaatas sa mga kasapi ay ang Health, Search and Rescue, Evacuation, Transportation, Communication, Relief Operation,  Rehabilitation, Fire Suppression, Security, PIO at Information, Education and Education (IEC).
Napagkasunduan sa nasabing pagpupulong na ang tanging magbibigay ng pagsasanay o training para sa komunidad/barangay ay ang AMDRRMC lamang.
Makikita ang naging kalagayan ng ating mga kababayan matapos angBagyong Ondoy noong 2009
Photo courtesy of fisheriesreform.org.
Gayunman, ay kailangan magsumite ang bawat samahang kasapi ng listahan ng mga kinatawan at miyembro hanggang July 29, araw ng Biyernes na nagsasaad ng kanilang mga training/ seminar at ang kanilang mga kakayahan at kasanayang natutuhan buhat dito.
Samantala, nakuha naman ng ALSI ang tatlong atas, at kabilang dito ang IEC, WASH Advocacy, at Health. Ang pagpupulong ay dinaluhan ng inyong lingkod kasama si Gng. Connie Ofamen, kapwa opisyales ng ALSI at miyembro ng Disaster Risk Reduction Management Committee.
Nauna pa rito, ay nakapagsagawa na at nakadalo ang ilang miyembro ng ALSI ng mga programa at pagsasanay hinggil sa DRR. Ang Disaster Risk Reduction bukod pa sa Health Education at ilan pa ay isa lamang sa mga adbokasiya ng Life Savers.

Linggo, Hulyo 17, 2011

Pagtatatag ng Local Blood Council, itutulak ng ALSI

Matapos ang ilang pagharap ng mga kinatawan ng Angono Life Savers sa Sangguniang Bayan ng Angono hinggil sa kahilingan nitong maamyendahan ang "Walking Blood Bank Ordinance" sa bayan ng Angono ay napagkasunduan na lamang sa nabanggit na usapan ang pag gawa ng panibagong ordinansa, resolusyon o executive order na magbibigay pagkilala at dagdag insentibo sa mga blood donors.

Bilang resulta nito, ay hiniling na lamang ng grupo na makapagtatag na Local Blood Council sa bayan upang higit na mapag-igting pa ang programa at tunay na magkaroon ng sistema sa pagpapatupad nito. Ito ay agad namang sinang ayunan ni Konsehal Gino Miranda sa pagsasabing mas mainam nga kung makakapagtatag na lamang ng konseho para sa nasabing programa.


Sa nakaraang pagpapasimula ng National Blood Donors Month sa Ynares Center nitong Hulyo 11, 2011 ay pinanawagan ng Department of Health ang mas maigting na pagpapalaganap ng voluntary blood donation sa bansa. Nasa halos 300,000 bag pa ng dugo ang kakulangan sa taunang pangangailangan ng bansa.

Nuong Enero 2010, ay naglabas ang DOH ng Administrative Order 2010-0002 na nag-uutos sa bawat rehiyon, lalawigan at mga highly urbanized na mga lungsod na magtatag ng Local Blood Council upang masuportahan ang implementasyon ng National Voluntary Blood Service Program (NVBSP) ng bansa para sa ligtas at sapat na suplay para sa mga pasyenteng nangangailangan.

Ayon sa AO 2010-0002 na siyang nagtatakda ng mga polisiya sa pagtatatag ng Blood Council, ito ay dapat binubuo ng mga kinatawan mula sa ibat-ibang sektor tulad ng pamahalaan, paaralan, ospital, kasundaluhan/ kapulisan, NGO's at iba pa.

Para sa kopya ng naturang Order:

Ang sapat na suplay ng dugo ang isa sa mga pangunahing misyon ng grupo sa pagtatag ng Angono Life Savers.

Lunes, Hulyo 11, 2011

More Blood, More Life

"We need heroes, men and women who is committed to help others by donating blood", iyan ang wika ni Health Secretary Enrique Ona sa kanyang mensahe sa Kick-off ceremony ng National Blood Donors Month ngayong taon na isinagawa sa Ynares Center, Antipolo City- lunes ng umaga, July 11, 2011.


Sa pagdiriwang na may temang "More Blood, More Life" ay pinangunahan ng Department of Health, kasama ang ibat-ibang ahensya ng pamahalaan, blood donors associations at blood councils ang panawagan sa lahat ng mamamayan na patuloy na mag-donate ng dugo na walang anumang kapalit. Sa bisa ng P.D 1021 na nilagdaan ni dating Pangulong Fidel Ramos, kanyang itinalaga ang buwan ng Hulyo bilang National Blood Donors Month.

Sinabi naman ng pangulo ng Philippine Blood Coordinating Council, "ang buwan ng Hulyo ay inilaan para sa bawat matatapang at masisigasig na bayaning blood donors". Ayon kay Philippine Red Cross Secretary General- Ms. Gwendolyn Pang, ang hamon ay kung paano mahihikayat ang bawat kumpanya at ang malulusog na Pilipino na regular na mag-alay ng dugo. Inihayag pa ni Pang ang mithiin ang mithiin ng PRC na sana ay walang umalis sa blood bank ng walang dalang dugo para sa kanilang pasyenteng nangangailanagn.


Kasamang dumalo sa pagdiriwang ang ilang opisyal ng health department kabilang sina DOH Usec. Dr. Herbosa at Asec. Dr. Eric Tayag. Dumating din ang pangulo ng Blood Galloners Club na si G. Joel Torregonza na nagtala na ng halos 120 beses na voluntary blood donation.

Ayon sa DOH, ang bansa ay pangangailangan ng dugo na katumbas ng 1% ng populasyon ng bansa o halos 600,000 bag ng dugo. Sa kasalukuyan ay may kakulangan pa na halos 300,000 unit upang matugunan ang pangangailangan. Itinutulak ngayon ng pamahalaan ang pagkakaroon ng walking blood bank sa bawat barangay na handang mag-donate ng dugo 3-4 na beses sa isang taon.

Bilang tugon ay inihayag ni Rizal Vice-Governor Frisco San Juan Jr na ang Lalawigan ng Rizal ay ang magiging reference point sa bansa sa larangan ng blood donation.


Habang isinasagawa ang programa ay ginaganap naman ang isang Mobile Blood Donation na pinangunahan ng mga kapulisan ng Rizal Provincial Police at ng mga sundalo mula sa Philippine Army 2nd Infantry Division. (bdl)

Biyernes, Hulyo 8, 2011

Provincial Accreditation ng ALSI, aprubado!

Sa bisa ng Resolution No. 124 s. 2011 ng Sangguniang Panlalawigan ng Rizal ay nakamit ng Angono Life Savers (ALSI), Inc, ang Certificate of Accreditation nito na kumikilala sa grupo bilang isang Non-Government Organization.sa Lalawigan ng Rizal.


Ayon sa Sec. 34 ng RA 7160 o "Local Government Code of 1991" ay tinataguyod nito ang pagbubuo ng non-government organizations/people's organization na humihikayat na maging kabahagi ang mga ito sa lokal na pamamahala.


Ang akreditasyon ay iginawad nuong June 27, 2011 at may bisa sa loob ng tatlong taon sa kondisyong iniaatas ng Sangguniang Panlalawigan Resolution No. 95-113.

Ang Angono Life Savers, sampu ng mga kasapi at mga volunteers ay labis na nagpapasalamat sa pagtitiwalang ipinagkaloob ng 26th Sangguniang Panlalawigan ng Rizal sa pangunguna ni Vice Governor Frisco San Juan Jr, at mga kasamang Bokal.

Martes, Hunyo 21, 2011

Angono Life Savers, Humarap sa Sesyon ng Sangguniang Panlalawigan

Sa pagdinig ng Sagguniang Panlalawigan ng Rizal sa Panukalang Kapasyahan Blg. 126 s. 2011 na inihain ni Kgg. Bokal Totoy Esguerra- Chaiman ng Committee on Accrediattion, ay humarap ang mga opisyales ng Angono Life Savers (ALSI) Inc. sa kanilang ginawang pagdinig ngayong umaga upang mailatag ang mga programa ng grupo.



Sa mithiing makakuha ng higit  pa na suporta ay naghain ng aplikasyon para sa akreditasyon mula sa Pamalaang Panlalawigan ang ALSI isang buwan na ang nakararaan.

Bukod kay Vice Governor Frisco San Juan Jr., ay kasama din sa mga dumalo sa sesyon ay ang mga kagalang-galang na sina Bokal Armando Villamayor, Zoilo Tolentino Jr., Benjamin Esguerra Jr., Genato Bernardo, Ronald Barcenas, Jesus Huertas Jr., Reynaldo San Juan Jr, Nemesio Roxas, at ang mga Ex-Officio na Bokal na kumakatawan sa mga Kapitan, Sangguniang Kabataan at mga Konsehal sa buong Lalawigan.



Matapos ang halos sampung minutong presentasyon ng Pangulo ng ALSI na si G. Gilbert Merino, ay nagsimula nang magtanong ang bawat Bokal. Sa tanong ni Bokal Huertas na kung ano ba ang inaasahan ng ALSI sa pamahalaan sakaling mapagbigyan ang kahilingan nitong akreditasyon, diretsang sinabi ni G. Merino na "tulong sa pagpapalaganap ng samahan at pagtatatag ng sariling Blood Station sa Lalawigan ng Rizal". Bukod dito ay nauna nang hiniling ng grupo ang suporta sa posibilidad nang pagkakarron ng sariling tanggapan at ambulansya.



Sa kasalukuyan ay mayroon nang naitatag na chapter ang Life Savers sa Bayan ng Binangonan.

Matapos ang deliberasyon ay hiniling na ni Bokal Esguerra na pagtibayin na ang  inihaing kahilingan. Wala namang tutol na natanggap mula sa mga kasamahang Bokal.

Sa susunod na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan ay inaasahang ilalabas na ang positibong kapasyahan mula sa sanggunian.



Kinamayan at binati ng bawat Bokal ang mga miyembro ng ALSIng naroroon sa magaganda at makabuluhan nitong mga programa. May ilan ding nagpahayag ng pagnanais na makapagtatag ng kaparehong samahan sa kani-kanilang mga bayan. Labis naman ang pasasalamat ng ALSI sa suportang natanggap.





Lunes, Hunyo 20, 2011

ALSI, Naghain ng kahilingan sa Sangguniang Bayan


Nakatakdang humarap bukas sa ganap na ala-una ng hapon sa Sangguniang Bayan ng Angono ang mga opisyales at ilang kasapi ng Angono Life Savers (ALSI), Inc.

Sa liham na ipinadala ng grupo sa opisina ni Mayor Gerry V. Calderon, hiniling ng ALSI na maamiyendahan at maipatupad ang Municipal Ordinance No. 06-483 o mas kilala sa tawag na “Walking Blood Bank Ordinance” na naipasa nuon pang July 21, 2006. Ang nasabing Ordinansa ay iniakda ng nu’oy Konsehal Dong Malonzo, nilagdaan at pinagtibay ng nuon naman ay Bise-Alkalde Aurora Villamayor at ipinatupad ni Alkalde Gerardo V. Calderon.

Sa nasabing ordinansa ay inaatasan ng Pamahalaang Bayan ang Municipal Health Office na magsagawa ng Walking Blood Bank program sa pakikipagtulungan sa Philippine Red Cross at sa bawat Punong Barangay.

Gayundin ay binibigyang pribilehiyo ng ordinansa ang bawat blood donor sa pamamagitan ng mga serbisyo mula sa Municipal Health Office tulad ng libreng pagkonsulta at pagkalibre ng personal permit.



Bukas, sa pagharap ng ALSI sa Komite ng Kalusugan sa SB na pinangungunahin ni Konsehal Januver H. Tiamson, ay kasama sa kahilingan nito na maisama sa mga mabibiyaan ng benepisyo ang daan-daang miyembrong Blood Donors ng ALSI. Sa Kasalukuyan sa tulong ng ibat-ibang samahan at negosyo ay may halos apat na daang miyembro na ang Life Savers.