Sa pagdinig ng Sagguniang Panlalawigan ng Rizal sa Panukalang Kapasyahan Blg. 126 s. 2011 na inihain ni Kgg. Bokal Totoy Esguerra- Chaiman ng Committee on Accrediattion, ay humarap ang mga opisyales ng Angono Life Savers (ALSI) Inc. sa kanilang ginawang pagdinig ngayong umaga upang mailatag ang mga programa ng grupo.
Sa mithiing makakuha ng higit pa na suporta ay naghain ng aplikasyon para sa akreditasyon mula sa Pamalaang Panlalawigan ang ALSI isang buwan na ang nakararaan.
Bukod kay Vice Governor Frisco San Juan Jr., ay kasama din sa mga dumalo sa sesyon ay ang mga kagalang-galang na sina Bokal Armando Villamayor, Zoilo Tolentino Jr., Benjamin Esguerra Jr., Genato Bernardo, Ronald Barcenas, Jesus Huertas Jr., Reynaldo San Juan Jr, Nemesio Roxas, at ang mga Ex-Officio na Bokal na kumakatawan sa mga Kapitan, Sangguniang Kabataan at mga Konsehal sa buong Lalawigan.
Matapos ang halos sampung minutong presentasyon ng Pangulo ng ALSI na si G. Gilbert Merino, ay nagsimula nang magtanong ang bawat Bokal. Sa tanong ni Bokal Huertas na kung ano ba ang inaasahan ng ALSI sa pamahalaan sakaling mapagbigyan ang kahilingan nitong akreditasyon, diretsang sinabi ni G. Merino na "tulong sa pagpapalaganap ng samahan at pagtatatag ng sariling Blood Station sa Lalawigan ng Rizal". Bukod dito ay nauna nang hiniling ng grupo ang suporta sa posibilidad nang pagkakarron ng sariling tanggapan at ambulansya.
Sa kasalukuyan ay mayroon nang naitatag na chapter ang Life Savers sa Bayan ng Binangonan.
Matapos ang deliberasyon ay hiniling na ni Bokal Esguerra na pagtibayin na ang inihaing kahilingan. Wala namang tutol na natanggap mula sa mga kasamahang Bokal.
Sa susunod na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan ay inaasahang ilalabas na ang positibong kapasyahan mula sa sanggunian.
Kinamayan at binati ng bawat Bokal ang mga miyembro ng ALSIng naroroon sa magaganda at makabuluhan nitong mga programa. May ilan ding nagpahayag ng pagnanais na makapagtatag ng kaparehong samahan sa kani-kanilang mga bayan. Labis naman ang pasasalamat ng ALSI sa suportang natanggap.