Nakatakdang humarap bukas sa ganap na ala-una ng hapon sa Sangguniang Bayan ng Angono ang mga opisyales at ilang kasapi ng Angono Life Savers (ALSI), Inc.
Sa liham na ipinadala ng grupo sa opisina ni Mayor Gerry V. Calderon, hiniling ng ALSI na maamiyendahan at maipatupad ang Municipal Ordinance No. 06-483 o mas kilala sa tawag na “Walking Blood Bank Ordinance” na naipasa nuon pang July 21, 2006. Ang nasabing Ordinansa ay iniakda ng nu’oy Konsehal Dong Malonzo, nilagdaan at pinagtibay ng nuon naman ay Bise-Alkalde Aurora Villamayor at ipinatupad ni Alkalde Gerardo V. Calderon.
Sa nasabing ordinansa ay inaatasan ng Pamahalaang Bayan ang Municipal Health Office na magsagawa ng Walking Blood Bank program sa pakikipagtulungan sa Philippine Red Cross at sa bawat Punong Barangay.
Gayundin ay binibigyang pribilehiyo ng ordinansa ang bawat blood donor sa pamamagitan ng mga serbisyo mula sa Municipal Health Office tulad ng libreng pagkonsulta at pagkalibre ng personal permit.
Bukas, sa pagharap ng ALSI sa Komite ng Kalusugan sa SB na pinangungunahin ni Konsehal Januver H. Tiamson, ay kasama sa kahilingan nito na maisama sa mga mabibiyaan ng benepisyo ang daan-daang miyembrong Blood Donors ng ALSI. Sa Kasalukuyan sa tulong ng ibat-ibang samahan at negosyo ay may halos apat na daang miyembro na ang Life Savers.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento