Nasa 400 punla ng mga bagong tubong puno ng narra, banaba at mahogany ang pinagtulung-tulungang itanim ng mga miyembro at kinatawan ng ibat-ibang samahan sa bayan ng Angono, kaninang umaga lamang- Hulyo 03, 2011.
Kabilang sa mga sumama sa pagtatanim sa bahagi ng halos 3.5 ektaryang lupain sa kabundukan (boundary ng Angono at Binangonan) ng pamilya ng namayapang pintor na si G. Jose "Pitok" Blanco ang mga miyembro mula sa Angono Life Savers (ALSI), Blanco Family Academy, Juvenile Unification Movement for Progress (JUMP), Higante Makers (HIMASS) at Binangonan Life Savers (BLS). Ang proyekto ay bilang pakikiisa ng mga samahan sa National Greening Program ng pamahalaan na naglalayong mapangalagaan ang inang kalikasan.
Unang itinakda ang sabayang pagtatanim sa buong bansa nuong June 25, 2011, ngunit hindi lubusang naisakatuparan dulot ng dumaang bagyong "Falcon". Sa darating na June 08, ay magsasagawa ang Pamahalaang Bayan ng Angono sa pangunguna ni Mayor Gerry V. Calderon ng Ceremonial Tree Planting program sa Angono Eco-Park na matatagpuan sa tabing lawa, bahagi ng Brgy. Kalayaan. Ang lugar na tinawag na Eco-Park ay malayo na ngayon sa dati nitong itsura nang ito ay bigyan ng grupong Greenpeace ng "Nakasusulasok Award" ilang taon na ang nakararaan.
Ang pagtatanim ng puno ay isa lamang sa mga paraan upang patuloy na mapangalagaan ang kalikasan. Mahalagang bigyang pansin ang pagbabantay sa mga kabundukan at pagpapanatiling malinis ng mga daang tubig tulad ng ilog, dagat at kalawaan upang hindi na muling maulit pa ang kinatatakutan na pinsala tulad ng ang bagyong Ondoy ay dumaan.
Ayon pa sa ALSI, ito ay simula pa lamang ng mga proyektong pangkalikasan ngayong taon. Layon din ng grupo na maipamulat sa bawat tayo na ang pangangalaga kay inang kalikasan ay magdudulot din ng mas malusog pang pangangatawan at mas ligtas na kapaligiran.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento